Update

Pundido

Salamat sa kaibigan kong si Mark Abujen para sa kanyang drawing.
Salamat sa kaibigan kong si Mark Abujen para sa pagguhit sa imahe sa itaas.

“Iho, mukhang pundido na naman ang ilaw ko. Halika nga rito’t tulungan mo ako.”

Tuwing hapon ito ang bumubungad sa akin pag-uwi ko sa aking bahay na nasa ikatlong palapag ng isang gusali. Bago ako makapaghanda ng hapunan, kailangan ako ni Nanay Pacing, kaya hindi maaaring gabihin ako ng uwi.

Si Nanay Pacing na dito na nakatira mula pa noong unang panahon, wika nga ng mga gwardya, caretaker at iba pa naming mga kapitbahay. Nakailang palit na ang mga gwardya sa gusali at pati na ang mga nangungupahan sa ibang pinto pero nandito pa rin si Nanay Pacing.

Mahigit isang taon na mula ng lumipat ako dito. Ulila na sa mga magulang, pati sa mga lolo at lola. Ang mga tiyuhin, tiyahin at mga pinsan ko ay mga nasa Maynila at hindi ko na rin naman sila nakilala. Bata pa lang daw ako nung itinakwil nila kaming pamilya dahil sa ayaw nila sa tatay ko. Kaya kami napadpad dito sa Pampanga. Nangungupahan kami noon sa isang bahay na may dalawang kwarto. Ngunit kinailangan kong lumipat noong pumanaw ang mga magulang ko dahil sa masyadong mahal ang upa sa isang buong bahay, lalo na’t mag-isa na lang naman ako sa buhay. Tulad ni Nanay Pacing.

Sa unang gabi ng pagdating ko noon, madilim at tahimik ang paligid. Kaya hindi ko inakalang may kapitbahay pala ako. Lumabas ako para manigarilyo, dun ko napansin si Aling Pacing na nakatayo sa gilid ng gusali. Palakad-lakad. Bumubulong. Mukhang hindi mapakali.

“Ang tagal namang umuwi ng batang yon, gabi na. At malamok pa, naku baka kung mapano pa sya.”

At dahil hindi naman ako yung tipo ng tao na mausisa, hinayaan ko lang sya at saka pumanhik na ako.

Kinabukasan, naabutan ko si Aling Pacing na nakahiga sa may hagdanang palabas ng gusali. Naghihilik pa. Nakaharang sa aking daraanan. Malapit na akong mahuli sa opisina. Pinaghalong pagkalito, konting inis at pagkaawa sa matanda. Gisingin ko kaya? Para naman masabing sinubukan ko syang tulungan.

Naku kapag ito hindi gumising, hahakbangan ko na lang. Tsk, huling-huli na talaga ako. Lagot na naman ako nito. Naka-ilang papalit-palit ako ng pwesto at pumoporma kung papaano ko gigisingin ang matanda ng biglang…

“Lisa, anak, ikaw ba yan? Bakit ngayon ka lang?”

“Ah, magandang umaga po. Si Romy po ito hindi po ako si Lisa. Baka gusto nyo na pong bumalik sa kwarto nyo sa itaas. Mukhang dito na kayo nagpalipas ng gabi,” kasabay ng pilit na ngiti.

“Naku, tulungan mo naman ako. Nag-aalala kasi ako kung nasan na yung apo kong si Lisa. Kagabi ko pa hinihintay.”

Patay! Paano na? Ayokong makialam sa hindi pag-uwi ng apo nyo, lola. Isa pa, huli na talaga ako!

“Pasensya na po kayo at kailangan ko na kasing pumunta ng opisina. Hingi na lang po kayo ng tulong sa iba. O subukan ko pong tawagin yung gwardya para matulungan kayo. Sige mauna na po ako.”

Dinaanan ang gwardya at sinabing humihingi ng tulong yung matanda sa hagdan. Sabay karipas ng lakad at matagal na naghintay sa kanto para sumakay na ng jeep. Trapik. Init. Putok ng katabi. Parang wala ring silbi ang naging pagligo ko kaninang umaga.

Nasa harapan pa lamang at ni hindi pa ako nakakatawid sa hamba ng pinto ng opisina ng sinabi na sa akin ng gwardya na, “Ser, dumiretso na daw po kayo sa opisina ni Boss at kanina pa nya kayo hinahanap.”

Nararamdaman ko pang tumutulo ang pawis sa likod ko pagtuntong ko sa malamig na opisina ng boss ko. Hindi pa yata nakakainom ng kape kaya mukhang pinagsakluban ng dalawang bao ang mukha. Nahihiya akong punasan ang namumuong pawis sa noo ko pero nahihiya rin akong hayaang tumulo ito. Sa bawat pag-aalala ko sa mga nagwewelgang pawis ko sa noo, ay sya ring lalong pagpapawis ng buong katawan ko. Whew. Kalma. Mind over matter. Matutuyo rin yan. Ang mabuti pa e tanggap na lang ng tanggap ng gagawing pagsigaw nya at hayaan ng matapos ito ng sa gayon e makahinga na ako ng maluwag doon sa pwesto ko. Bumuka ang kanyang bibig, isasara, huhugot ng malalim na buntong-hininga. Bubukas muli ang bibig. Isasara. Bumwelo ng malalim na hinga at saka ako niratratan.

“Nagkabagyo ba sa inyo? Sa partikular e yung bahay mo lang ba ang binaha at ngayon ka lang nakarating? Ano bang tingin mo dito, pahingahan? Kung kelan mo gustong dumating e darating ka, ganon? Bat kaya hindi na lang ikaw ang maging amo ko? Pahuli-huli ka ng ganyan tapos mamaya magre-request ka na mag-overtime? Paano mong matatapos ang mga trabaho mo nyan?”

May natulog po kasing matanda sa hagdanan ng gusali namin kaya nahirapan akong makalabas. Anak ng pagong, hindi ko naman maaaring sabihin yon. Imposible! Tsktsk, nagkaroon pa tuloy ng bagong dahilan para mas lalong maging kumag itong boss ko. Alam ko namang kaya lang to galit na galit sakin at naghihintay lang ng dahilan para sigawan at ipahiya ako ay dahil halata namang may gusto sa akin yung kerida nya na mukhang menor de edad na binihisan ni Nicki Minaj. Wag na uy, sayo na yang gelpren mong amoy Lysol. Isa pa, ngayon lang ako nahuli mula ng magsimula akong magtrabaho sa kumpanyang ito. Grabe naman yung walang patawad, boss! Aba, ang Diyos nga marunong magpatawad.

“Pasensya na po. Hindi na mauulit,” ngumiti ng hilaw at pinaamo ang mga mata.

“Pase-pasensya! Sa susunod na mahuhuli ka pa ng dating e huwag ka ng tumuloy dito sa loob. Dun ka na magtrabaho sa labas sa may kalsada at magtinda ka na lang ng kendi!”

Dinig ng buong departamento namin ang buong lakas na paghihiyaw ng kumag kong boss. Buong araw kong ininda ang pagkukunwaring ako naman talaga ang may kasalanan. Dahil alam ko namang lahat ng mga kaopisina ko ay mga tsismosong palaka lamang na uurutin ka para magsabi ng masama, tapos saka ka nila itsitsismis sa iba. E di wow. Ayaw kong makisali sa kadramahan nyo. 

Pag-uwi nadaanan ko sa tabi ng gusali namin ang gwardyang pinagbilinan ko nung umaga. Kinamusta ko kung anong nangyari.

“Ah sir, nagmamadali ka kasi kaninang umaga kaya hindi ko naipaliwanag sayo. Ganon lang talaga yon si Nanay Pacing. Para bang, pasensya ka na wala kasi akong maisip sabihin, para bang kulang-kulang na, ganoon. Madalas nyang makalimutan na wala na yung apo nyang si Lisa. Nag-asawa kasing bigla nung nabuntis ng boypren. E yun na lang ang kasama niya dyan sa bahay nya dati hanggang sa umalis nung nakaraang buwan, kaya madalas pa rin nyang hanapin. Saka nagkataon kasing napundi yung ilaw nya sa bahay kaya inaantay nya kagabi yung apo nya, wala daw magpapalit.”

“Ha? Ibig sabihin palagi syang natutulog dyan sa may hagdanan?”

“Hindi naman ho. Ngayon lang ulit nangyari yung ganon. Kinausap na namin sya ng kasama ko kanina nung ihatid namin sya sa bahay nya. Pinalitan na rin namin yung bumbilya ng ilaw nya.”

“Ah ganon ba. Kawawa naman, sige kuya. Salamat! Mauna na ako.”

Pag-akyat ay nakasalubong ko si Aling Pacing na papalabas ng bahay nya. Tumingin sa akin ng matagal. Hindi ako kumportable at napaisip kung meron ba akong dumi sa damit. Sa mukha. O baka naman bukas ang zipper ng pantalon ko.

Pagbawi ng tingin nya ay dumiretso na sya ng baba. Walang “Magandang hapon!” man lang na pagbati. Ano ba namang matanda yon, itinawag ko na nga sya ng tulong wala man lang pasalamat. Tsktsk. Sana naman e wag syang matulog ngayon sa daanan.

Baka naman galit sayo kasi ginising mo sya sa masarap nyang tulog? Biro ng utak ko.

Kinabukasan, tulad ng hula ko kahapon ay naabutan ko na naman sa labas si Aling Pacing. Hindi ko na sya ginising dahil baka mahuli na naman ako. At baka nga talagang nasasarapan syang doon matulog. Bakit pa ba ako makikialam?

Nakita ko yung isang gwardya at nagbatian kami ng ‘Magandang Umaga!’ at nagtanguan, waring nagkaintindihan na doon na naman natulog si lola.

Ilang araw din na naaabutan ko sya na sa may daanan nagpapalipas ng gabi. Basta papadilim na sa hapon, bababa na sya at aantayin ang apo nya na hindi naman dumarating.

Isang hapon, naabutan kong maingay ang bahay ni Aling Pacing. May lalake at babaeng sumisigaw. At may humahagulgol. Hindi ko nais na makinig, pero maninipis ang mga dingding at malalakas ang kalabog ng pagbukas at pagsara ng mga tukador.

“Ayan o! Ayos naman tong ilaw mo! Paulit-ulit! Hindi ba kayo marunong magbukas ng ilaw?!”

“Ang kulit mo sinabing hindi na ako dito titira! Walang makakatagal sa kakulitan mo! Hindi sira yung ilaw mo, kundi yang tuktok mo ang may diperensya!”

“Baka mahawa pa sa kabaliwan ang magiging anak namin. Bilisan mo na nga Lisa at ng makauwi na tayo sa atin!”

Maraming hagulgol lang ang sagot ng kabilang panig. Marami pang mga sumunod pero hindi ko na talaga nais madinig kaya minabuti ko na lang munang saksakan ng earphones ang tenga ko at itodo ang musika sa aking cellphone. Ayokong makarinig ng sigawan at mala-telenobelang iyakan. Kaya mas pinili ko ang mag-isa at hayaang dalhin ako ng panaginip sa kawalan. Walang iintindihin kundi ang sarili ko lamang.

Makalipas ang kulang kalahating oras, medyo pababa na ang araw, naisipan kong bumangon at maghanap ng makakain. Humiling na sana tapos na ang soap opera, pinatay ko na ang nakakabinging musika. Walang laman ang ref, lumabas ako at saktong pagbukas ng aking pintuan ang paglabas ng isang babae sa kabilang pinto. Galit na galit ang itsura pero parang may luhang bumagsak sa kanyang kaliwang pisngi. O imahinasyon ko lang yon? Kasunod ang isang lalaking hindi maitago ang pagkainis sa mga pangyayari. Nakasunod sa kanila si Aling Pacing at nagmamakaawang wag syang iwan ng apo.

Halos masira ang damit ni Lisa sa paghatak ni Aling Pacing. Ngunit matanda na si Aling Pacing, wala na syang lakas para makipaghatakan, lalo na ang ipaglaban ang kanyang nararamdaman. Kaya dahan-dahan nyang binitawan ang damit ni Lisa, at saka umiyak na lamang sa isang tabi.

“Brad, may problema ka ba? Anong tinitingin-tingin mo dyan?” Sabi ng isang matangkad at patpating lalake na mukhang malapit ng makipagkilala sa kanyang libingan. Kung nanaisin ko ay pwedeng-pwede ko syang patumbahin. Pero hindi ko trabaho ang makiusisa sa problema ng ibang pamilya, ayoko ng gulo. Oo na, baka medyo naduduwag rin ako. At kahit alam kong mas malaki ang katawan ko sa kanya, ay hindi pa naman ako nasasabak sa isang suntukan.

Mabilis kong binuksan ang aking pinto at saka nagtago sa loob. Nakikinig sa patuloy na pagluha ni Aling Pacing. Kasabay ng mga nagmamadaling yabag ay ang malakas na palitan ng mga salita ng kanyang papaalis na mga bisita.

Ilang minuto din akong hindi mapakali. Kay laki kong tao, naduwag ba ako dun sa patpating asawa ni Lisa? Wala ba talaga akong pakialam sa kapwa o talagang wala lang akong bayag para ipaglaban kung ano ang tama? Hindi, hindi ko to problema. Hindi ka dapat makisawsaw sa problema ng iba, Romy. Pero bakit ganito? Bakit hindi ako mapalagay?

Hindi ko rin maipaliwanag kung saan nanggaling ang bugsong ito ng damdamin, pero sa unang pagkakataon mula ng maulila ako, nakaramdam ako ng matinding galit.

Galit sa mundo kung bakit hinayaang maging ganito ang buhay ni Aling Pacing. Galit sa boss ko kung bakit laging mainit ang ulo nya sa akin. Galit sa mga kaopisina ko kung bakit lahat sila’y ipinanganak na tsismoso’t tsismosa. Galit kay Lisa kung bakit walang puwang sa puso nya para sa kanyang lola. Galit sa mayabang nyang asawang mukhang wala namang ibubuga. Galit sa mga tao sa paligid, na mukhang wala kaming kapitbahay na nakarinig ng paghagulgol ng isang matanda na wala namang kasalanan kundi ang mahalin ng matindi ang kanyang apo.

Galit sa sarili ko kung bakit bigla akong nagkaraoon ng pakialam. Galit sa sarili kong karuwagan! Wala ba talaga akong pakialam o natatakot lang ako na magkaroon ng totoong koneksyon sa mga tao? Romy, umayos ka. Kapag nagdesisyon kang makialam, hindi ka na maaaring umatras.

Nag-aakyat baba pa ang dibdib ko mula sa marami at malalim na paghinga. Paglabas ko ay naabutan ko si Aling Pacing na palakad-lakad sa labas ng kanyang pinto. Ng makita ako ay ngumiti at sinabing, “Iho, anong pangalan mo? Dyan ka pala nakatira? Kailan ka lumipat?”

“Romy po. Magdadalawang linggo na po ako dito.” Sabay ngiti, magkahalong awa at lungkot. Bakas pa sa mga mata ni Aling Pacing ang mga luha. Pero mukhang nakalimot na sa kung anong naganap.

Nagngangalit pa rin ang kalooban ko. Iniwan ko muna si Aling Pacing ng walang paalam at naisipan ko munang bumaba para magpahangin at magpalipas ng bigat ng dibdib. Naabutan ko pang nagtatalo si Lisa at ang kawayang nagkatawang-tao este ang kanyang asawa.

“Bakit? Para makita ulit ang baliw mong lola? Kung hindi ba naman utung-uto mo ako sa pagdadahilan mo na may mga naiwan kang gamit!”

“Talaga namang may mga kinuha akong gamit! Ano bang tawag mo sa mga dala kong to?”

“Ano bang gamit ang sinasabi mo? Yang kahon na yan? Yang mga librong yan? Ano bang mapapala mo sa mga yan? Niloloko mo ba ako? Isang buwan na mula nung lumayas ka dyan tapos ngayon mo lang kinuha iyang mga ‘gamit’ mo? Anong kabalastugan ba yan, Lisa? Pwedeng-pwede naman kitang bilhan ng mga bagong libro na yan!”

“Ang kulit mo naman! Matagal na akong nagpapaalam sayo para kunin itong mga gamit ko, pero ngayon ka lang pumayag. Kung ayaw mo ng makita yung matanda e di sana hindi ka na lang sumama!”

“E di lumabas din ang totoo! Gusto mo lang makita yung matandang hukluban na yon! Ah tangina!”

“E ano bang masama kung gusto ko syang makita?”

“Nangako ka sakin! At hindi ba ikaw itong galit na galit sa kanya?!”

“Lola ko pa rin sya! Wala ng natitira sa kanya, ako na lang! Ikaw, asawa lang kita!”

Pak!

Parang bumagal ang oras. Ang mga pangyayari. Tumakbo ako papalapit para saluhin ang babaeng buntis na papabagsak dahil sa lakas ng pagkakasampal sa kanya. Nakahawak sa pisngi at tiningnan lang ako na parang nagmamakaawa na parang nalilito at galit din ng sabay-sabay.

“Walang utang na loob! Sino bang nagpaaral sayo ha? Ang yabang mo na dahil ba sa nakatapos ka na? Isa kang puta! Magsama kayo ng lola mong kulang-kulang at tapusin na natin itong lokohan!” patuloy na sigaw ng lalake.

Walang isip-isip, inipon ko ang lahat ng lakas sa kanang kamao at ibinagsak sa butu-butong pisngi ng taong anak ng demonyo ng ikapitong langit. Sinong taong nasa tamang pag-iisip ang pagbubuhatan ng kamay ang kanyang buntis na asawa? Siraulo! nais kong isigaw pero walang lumabas sa bibig ko. Kaya nakanganga lang ako ng suntukin ko sya.

Sabay-sabay kong naramdaman ang pagkabasag ng panga nya at pagputok ng mga buto sa aking kamao. At parang pelikula na nawala ang tunog sa buong paligid at bumagal pa lalo ang pag-andar ng mga pangyayari. Nakita ko na lang na umiiyak na lumapit si Lisa at pilit na inaalo ang kanyang natulalang asawa. Humihingi ng tawad. Umalis na ako, dramatic exit, walang pali-paliwanag. Pa-slow-mo pa rin ang ganap ng paligid. Para akong nahilo at ngayon lang ako nakasuntok ng tao. Masakit pala. Sa parehas na panig.

Umakyat ako pabalik sa aking kwarto. Nakasalubong kong muli si Aling Pacing, wala na ang bakas ng mga luha. Nakangiting bumati sa akin ng, “Iho, anong pangalan mo? Dyan ka pala nakatira? Kailan ka lumipat?”

“Romy po. Magdadalawang linggo na po ako dito.” Tinanong nyo na po sa akin yan kanina, pahabol ng isip ko.

“Ako naman si Pacita. Pacing. Nanay Pacing na lang itawag mo sa akin at iyon naman ang tawag ng apo ko sa akin. Inaantay ko nga syang umuwi. Pundido kasi yung ilaw ko walang magpapalit. Nasaan na kaya yung batang yon?”

“Ah Aling Pacing…”

“Nanay Pacing na lang.”

“Ah Nanay Pacing, ako na lang ho ang magpapalit ng bumbilya at para magkailaw kayo, papadilim na rin ho kasi,” sabay ngiti. Unti-unting gumagaan ang kalooban. Nawawala ang buhol sa dibdib ko.

“Ay maraming salamat iho!” Pagkasambit nito ay isang malawak na ngiti ang sinukli sa akin.


Ang maikling kwentong ito ay kalahok sa Saranggola Blog Awards 7

Saranggola Blog Awards 7
Saranggola Blog Awards 7

Advertisements

15 thoughts on “Pundido”

        1. Wag! Di bale ng single basta marunong pa ring sumulat. Sabi ko nga sa journal ko… “I always come back to writing because this is the only thing I know how to do.” Kahit shitty writing hahaha!

What do you think?

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s